Tuesday, June 30, 2009

Ikaanim na Isyu ng Bulawan Online / Bulawan Online 6th Issue

Magandang araw!

Lumabas na po ang ikaanim na isyu ng Bulawan Online, tampok ang mga tula, sanaysay, pagsusuri, at panayam nina Nanoy Rafael, Porferio Requinto, Charles Bonoan Tuvilla, Roberto T. Añonuevo, Romulo P. Baquiran Jr., at Virgilio S. Almario.

Magpunta lamang po sa www.bulawanonline.com.

Patuloy naming hinihikayat ang mga batikan at nagsisimulang makata at manunulat na magpasa ng kanilang mga akda sa lathalaan.  

Mula sa mga editor:

ISYU BLG. 6. Ipinagmamalaking ilathala ng Bulawan Online sa isyung ito ang katangi-tanging mga akdang pampanitikan sa mga buwan ng Hunyo-Hulyo 2009.

Tampok din sa isyung ito ang retrato ni Randel Urbano, ang Saan?.

Mga sipi mula sa mga akda:

Tahimik na Pagkasindak sa Pagkatok ng Bagong Taon sa “Pagpapatuloy” ni Nanoy, pagbása ni Romulo P. Baquiran Jr. sa tula ni Nanoy Rafael:

“Nabubuo ang paglalarawan sa daigdig ng persona sa pamamagitan ng pagtatambal ng magkakasalungat o magkakahawig na tagpo at elemento. May epekto ito ng pagpapatindi ng partikular na katangian, impresyon, at signipikasyong tila ipinapahiwatig lamang ng mga salita at imahen. Sa pagtatagpo ng salungatan at pagtutulad, nagkakaroon ng katiyakan ang nakapailalim o kubling ibig sabihin sa tula.”

Lunan at ang Paglalarawan ng Tagpo, pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa mga tula nina Porferio Requinto at Charles Bonoan Tuvilla:

“Maselang gawain ang paglalarawan ng mga tagpo, lalo kung ang mga tagpo ay nagpapahiwatig ng kung anong damdamin o kaisipan mula sa isang tiyak na persona. Ang tagpo ay maituturing na ekstensiyon ng persona, bagaman ang tagpo kung minsan ay maaaring taliwas sa ipinahihiwatig ng isip, loob, at kilos ng persona. Ang tagpong tinutukoy dito ay hindi lamang ang lunan sa tula, bagkus sumasaklaw din sa kalooban o isipan ng persona hinggil sa espasyo at panahon na kaniyang ginagalawan.”

Therapy, sanaysay ni Romulo P. Baquiran Jr.:

“Hindi pa rin basta maidiin ang paa at baka mabaklas ang bakal at buto sa loob. Puwedeng pagsimulan ng kanser ang kahit gabuhok na lamat sa buto. Paano ang malaking lamat, malaking kanser ang epekto? Huwag naman. Hindi lamang lamat ang nangyari sa buto ko, nadurog. Baka sumambulat ang kanser sa sakong ko niyan. Ano ba ang gamot sa hypochondria?”

Pamulinawen: Isang Pagbasa sa Epiko ni Jose A. Bragado, pagsusuri ni Roberto T. Añonuevo:

“Nakapanghihinayang na ang paksang umuurirat sa digmaan ay waring hanggang komiks pa rin ang pagdulog. Ang kabayanihan ay laging nakasentro sa iilang tao, at ang kaligtasan ay laging kaugnay ng paghihiganti imbes na malawak na bisyon para sa Filipino. Baryotiko ang pagtanaw sa pagbubuo ng armadong kilusang ni walang malinaw na ideolohiya o lunggati.”

Kultura ng Kagitingan, panayam ni Virgilio S. Almario:

“Munting pang-araw-araw na kagitingan lamang ang kailangan natin mula sa bawat mamamayang Filipino. Ngunit ginagawa ng táong may kultura ng kagitingan ang kaniyang munting pang-araw-araw na tungkulin dahil alam niyang bahagi iyon ng isang pambansang tungkulin.”

Mga Unang Bayani ng Wikang Pambansa, panayam ni Virgilio S. Almario:

“Isang mahalagang gawain para sa Wikang Pambansa ang pagbuo mismo ng kasaysayan nito. Hanggang ngayon, wala tayong mapagkakatiwalaang kasaysayan hinggil sa naging saligan ng simula at mga mohon ng pag-unlad ng Filipino. Kaya walang sanggunian ang mga guro’t estudyante kahit halimbawa sa pagkakaiba ng Pilipino at Filipino. Wala ring maibigay na wastong paliwanag hinggil sa pagpili ng Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. At lalo, walang magamit upang ipagtanggol ang Filipino sa mga kaaway ng Wikang Pambansa.”

Nilalaman din ng bagong isyu ang mga bahaging:

  • Rio Almanac — Alamin kung sino sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas ang isinilang sa Hunyo at Hulyo.
  • Buklatan — Mga bagong aklat na pampanitikan o sa panitikan.

Wednesday, June 24, 2009

Simula ng LIRA Poetry Clinic 2009

Idinadaos na ang mga lectures at workshops ng LIRA sa taong ito. Higit kumulang 35 bagong Fellow ang sasabak sa anim na buwan ng madugong pag-aaral ng pagsulat at pagbasa ng tula.

Heto ang ilang pics ng mga unang linggo ng Klinikang Pampanulaan ng LIRA 2009:

Hunyo 7, 2009 - Fellows' Orientation & Rio Alma's Public Lecture

Ergoe Tinio (kaliwa), LIRA Workshop Director kasama ang mga bagong Fellow. Si Carla ang nakatayo at nagpapakilala sa sarili.

Ako, nagbibigay ng mensahe sa mga Fellow.

Ynna, ipinapakilala ang lecturer, ang tagapagtatag ng LIRA, National Artist for Literature Virgilio S. Almario (Rio Alma).

"Wer na u? D2 na me." shirt at cowboy hat na bigay ni Kat.

Sir Rio & miss Beng, suot ang mga Nora shirts.

Sir Rio, Ynna, at ako sa Sarah's (ang tradisyong inuman pagkatapos ng unang araw ng LIRA).

Hunyo 14, 2009 - Rhyme & Meter Lecture by Michael Coroza

Sir Mike, nagtuturo ng tugma sa mga Fellow.

Sir Rio at miss Beng, na suot ang LIRA shirt at mahiwagang sumbrero ni ser.

En, Jere, Mark, ako, Issa sa Sarah's.

Hunyo 20, 2009 - Rhyme & Meter Poetry Workshop Led by Roberto Añonuevo

Palihan ng mga tulang isinulat ng mga Fellow.

Panelists (from L to R): Repa, sir Bobby, ako, Debbie, En. Wala sa retrato: Ynna (retratista), Rye, Noel.

Ynna Sirenang may isda sa likod.

Literary News: ULIRAT Mayo 2009

Lumabas na ang Mayo 2009 isyu ng ULIRAT, ang newsletter ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) Filipino poetry group.

Ang ilan sa tampok na mga artikulo:

  • mga bagong Kasapi ng LIRA,
  • ang bagong Pamunuan ng LIRA,
  • mga Kasaping nagwagi sa mga timpalak,
  • mga Kasapi sa mga national workshop,
  • mga bagong lunsad na aklat ng mga Kasapi,
  • mga Kasapi sa mga aklat at lathalaan,
  • Fellows’ Night nitong Disyembre 2008,
  • matagumpay na pagtuturo ng tula ng LIRA at NCCA,
  • Baboy sa Panitikan ni Roberto T. Añonuevo.
I-download ang PDF file ng pahayagan, o kaya'y basahin ang mga JPEG versions (nasa taas ang Pahina 1 & 12):

Pahina 2 & 11

Pahina 3 & 10

Pahina 4 & 9

Pahina 5 & 8

Pahina 6 & 7

Nasa Peysbuk na Ako

Ampotang peer pressure 'yan.

Ilang buwan ko ring pinigilan ang sarili kong sumali sa FB. Mas lumakas ang tukso sa IYAS at Dumaguete workshops dahil may account ang lahat ng kasama ko.

Kaya 'yun, pagkaraan ng isang buwan, bumigay na rin.


Add niyo 'ko: http://www.facebook.com/people/Phillip-Kimpo-Jr/796300456

Tuesday, June 23, 2009

Rio Alma's Star-Studded "Huling Hudhud" Launch




Hunyo 19, 2009: Kumpleto sa rekado -- writers, politicians, artists, scholars, students -- ang paglulunsad ng bagong aklat ni Rio Alma (National Artist for Literature Virgilio S. Almario), ang Huling Hudhud.

Idinaos ang launching sa C&E Information and Resource Center, Quezon Avenue, QC. Pero bago nito, nagbigay muna si sir Rio ng panayam sa mga mag-aaral, guro, at iskolar. May ilang Kasapi at Fellow ng LIRA na dumalo.

Isinabay ang okasyon sa kaarawan ni Jose Rizal.

Pagkatapos ng programa, pumunta kami nina Ynna at Debbie sa TAuMBAYAN restaurant sa Kamuning (kung saan idinaos ang unang art exhibit ni Ynna). Naabutan namin doon sina miss Beng, Ricci, at Abbie.

Humiram ako ng ilang retrato mula sa camera nina Ynna & sir Wendell.

LIRA Poetry Clinic 2009: Rhyme, Meter, Beer


Kuha ata ni Carla. Salamats tsong.

Hunyo 14 & 20: 1st lecture & workshop ng mga LIRA Fellows 2009 sa UP Diliman.

Ang panayam tungkol sa tugma at sukat (rhyme & meter) ni sir Mike Coroza ang tradisyonal na panggulat sa mga Fellow pagkatapos ng kanilang orientation day.

Noong Fellow pa lang ako (taong 2007), eto ang lecture na talagang pinakaba ako. Napakahina ko kasi noon sa Filipino vocabulary kaya tensiyonado ako noong isa-isa kaming pinagbigay ng mga pantugmang salita.

Isang linggo pagkatapos ang lecture, unang palihan/workshop naman ng mga Fellow. Unang katayan ng mga asignaturang tula. Sa umaga, kami nina sir Bobby Añonuevo, Ynna Abuan, Debbie Nieto, Repa Galos, at Rye Tanauan ang nagsilbing panelists. Dumating sa hapon sina sir Mike, En Villasis, at Noel Fortun.

Masaya rin ang mga inumang naganap sa Sarahs pagkatapos ng parehong LIRA sessions.

Wednesday, June 17, 2009

LIRA All-Star Poetry Workshop 01/09




Enero 3, 2009: Last workshop ng mga Fellows ng LIRA Poetry Clinic 2008. Swerte sila; 8 sa mga pinakamatitinik na makata ng 'Pinas ang nagkritik sa kanila, sa pangunguna ni Rio Alma (National Artist for Literature Virgilio Almario).

Ang mga tumulong kay sir Rio sa panel: Roberto Añonuevo, Teo Antonio, Joey Baquiran, Michael Coroza, Marne Kilates, Vim Nadera, Fidel Rillo.

Nakatatak sa utak ko ang araw na 'to dahil nagsisimula pa lang ang "Alabang Boys" controversy at di ko pa alam kung ilalathala ni Jarius Bondoc ang liham kong nagtatanggol sa aking ama. The rest, as they say, is history.

Pagkatapos ng palihan, dumeretso kami ng mga "seniors" sa Trellis, kung saan pinagpulungan nila ang kanilang GSIS book project na tampok ang mga batikang makata at pintor ng bansa, ang Pitik-Bulag. (Ilang araw pagkatapos nito ay kinuha nila si Ynna bilang book coordinator.)

Tuesday, June 16, 2009

LIRA Poetry Night June 2009 @ Conspi




Hunyo 16: Ikatlong "LIRAhan sa Conspiracy Writers Night" sa taong 2009. Isa na namang gabi ng mga tula (sa wikang Filipino, Ingles, at...Pranses!). Ito ang unang LIRAhan pagkasimula ng LIRA Poetry Clinic 2009.

Kaunti lang ang nakapunta pero naging masaya naman ang gabi. Dahil iilan ang mambabasa, ilang beses kaming umakyat sa entablado para tumula.

In attendance: Ynna Abuan, Debbie Nieto, Carla Payongayong, Greg Bituin, Gian Abrahan, Conrad Nuyles, yours truly. 3 LIRA members, 3 current Fellows, 1 past Fellow.

Nakakatawa ang gabing 'to dahil noong una'y naisnab pala namin nina Ynna at Debbie si Gian (di kasi namin siya namukhaan bilang LIRA Fellow!). Buti na lang at di siya nag-walk out hehe. Nakapag-bonding tuloy sila ng mga gerls sa inuman pagkatapos ng lit reading.

Historic LIRAhan pala 'to: sa kauna-unahang pagkakataon, may tulang Pranses na binasa sa LIRA poetry night (tula ni Rimbaud na itinanghal ni Conrad).

Monday, June 8, 2009

LIRA Poetry Clinic 2009: Opening Day




Hunyo 7, 2009: Unang araw ng LIRA Poetry Clinic at public lecture ng National Artist for Literature Rio Alma sa UP Diliman. Unang araw ng anim na buwan na katayan. Matagal ko ring inantay ang araw na 'to, lalo't ito ang unang klinika sa termino ko bilang Pangulo.

Sa umaga, nagkaroon ng orientation ang higit kumulang 35 bagong workshop Fellow. Nagpakilala rin kaming mga Kasapi ng LIRA.

Sa hapon, nagbigay si sir Rio ng kanyang tradisyunal na panayam, ang "Reklamasyon ng Pambansang Gunita." Mas kaunti ang nakadalo sa panayam kaysa nakaraang taon, dahil na rin Linggo at nagkaroon ng pagbabago sa iskedyul.

Pagkatapos, tinungo namin ang Sarah's Beer Garden para sa nakasanayang first-day inuman. (Well, tumotoma naman kami pagkatapos ng halos bawat LIRA session hehe.) Nakasama ng ilang bagong Fellow sina sir Rio, Michael Coroza, Edgar Samar, at mga Kasapi ng LIRA.

Magha-hatinggabi na nang pumunta kami nina Ynna, Debbie, at Jere sa Starbucks Katipunan para tumambay at magtanggal ng amats. Nang magutom, naghanap kami ng makakainan. Sa paglalakad-lakad namin sa Katips, nasaksihan pa tuloy namin ang isang accident scene -- may kotseng tumilapon sa kabilang lane, sa tapat ng Ateneo. Nag-taxi na kami papuntang Mister Kebab sa West Avenue kung saan halos inabot na kami ng bukang-liwayway.

Nakapapagod ang araw, pero masaya. Napagtanto ko rin na ambilis ko nang tumatanda -- 2 taon na ang nakalipas mula nang sumabak ako sa LIRA Poetry Clinic 2007.

(May ilang retrato dito mula sa camera ni JC Sola.)