
Agosto 7, 2009: Pagkatapos ng
'necrological service' ng National Artist Awards sa CCP Ramp, ang daan-daang artista at kaibigan ng sining na nakiramay ay nag-motorcade patungong opisina ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa Intramuros.
Nakasakay ako sa kotse ni sir Rio Alma (National Artist for Literature) kaya medyo naunang nakarating sa Intramuros. Nagtampo pa nga si Ynna dahil iniwan sila ni sir (na kinaladkad ako dahil may dala akong camera) sa CCP; nakasakay naman sila sa kotse ng mga Borromeo at nakasabay si Nick Pichay, kaya masaya ang lahat sa huli hehe.
Mula CCP, tinahak ng mahabang convoy ang Roxas Boulevard kung saan nakalinya pa ang mga dilaw na watawat nina Cory at Ninoy Aquino. Amin ang isang buong lane. Mahaba ang convoy. Akala tuloy ng mga motorista at commuter e related kay Cory ang prusisyon namin, lalo't may malaking wreath sa unahan ng motorcade.
On the way, nagsakay ng mga nagmamartsa ang mga kotseng may bakante pa. Dalawang coed freshmen ng PWU ang sumama sa amin ni sir Rio.
Paglagpas sa Anda Circle at pagpasok sa Intramuros, sinimulan na ang noise barrage. Lahat ng kotse sa convoy, bumusina. Bumusina nang bumusina hanggang makarating sa NCCA. Naligalig ang buong Intramuros.
Pagbaba namin sa NCCA, sinalubong kami ng malakas na musika mula sa dalawang speaker sa entrance. Pilit dinadaig ang mga busina at sigaw ng mga tao: "Artista ng bayan, ngayon ay lumalaban!"
Lagpas isang oras siguro nagprotesta ang mga tao sa labas ng NCCA. Electric ang atmosphere at masaya. Well, hindi masaya ang ibang tao tulad ng aktres na si Angie Ferro na nakipagsigawan sa mga nagpoprotesta, o ang sekyu ng NCCA na nagulantang nang hugutin ng isang raliyista ang speaker para matigil na ang musika.
Hindi nasilayan si Cecile Guidote-Alvarez. Mapayapa namang nag-disperse ang mga tao, pero pagkatapos lang magbabala kay Guidote-Alvarez na "Babalik kami! Mas marami!"
Tinungo namin nina sir Rio (mga taga-LIRA at iba pang manunulat at kaibigan) ang Harbor Square para -- ano pa ba? -- uminom at 'magpahinga.' Nang matapos naman 'yun, nagpaiwan kami nina Ynna at Debbie (the Dapitdilim trio) para sa isang barkada talk. Lagpas hatinggabi na nang umuwi kami.