Thursday, July 31, 2008

Ikalawang Isyu ng Bulawan Online / Bulawan Online 2nd Issue

Lumabas na po ang ikalawang isyu ng Bulawan Online, tampok ang mga tula, pagsusuri, at panayam nina Charles Tuvilla, Phillip Kimpo Jr., Roberto T. Añonuevo, Michael M. Coroza, Vim Nadera, at Virgilio S. Almario.

Magpunta lamang po sa www.bulawanonline.com.

Mula sa mga editor:

ISYU BLG. 2, TOMO 1. Ipinagmamalaking ilathala ng Bulawan Online sa isyung ito ang katangi-tanging mga akdang pampanitikan sa mga buwan ng Agosto-Setyembre 2008.

Mga sipi mula sa mga akda:

Estetika at Pagtanaw hinggil sa Dalawang Lungsod, pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa mga tula nina Charles Tuvilla at Phillip Kimpo Jr.:

Maaaring tanawin ang lungsod sa iba't ibang paraan, at isa sa rito ang pagtatanghal sa punto de bista ng isang tagalungsod na dumadama sa loob ng lungsod at tumatanaw papalabas ng sakop nito at tanging siya lamang makababatid. O kaya'y tingnan ang lungsod mula sa labas nito, nang sa gayon ay mabatid ang kabuuan ng lungsod na hindi mababatid ng tao na nasa loob nito at ang sipat ay limitado. Ang ganitong pagtanaw hinggil sa lungsod ang ipinamamalas ng mga tulang "Sa Unang Ulan ng Mayo" ni Charles Tuvilla at "Talà" ni Phillip Kimpo Jr.

Mga Varayti ng Wikang Filipino: Isang Pag-uusisang Teoretiko, pagsusuri ni Michael M. Coroza:

Ngunit kahit Tagalog ang pinagbatayan o kahit na sabihing di-na-gaanong Tagalog ang Filipino, malaki na talaga ang iniunlad ng wikang pambansa. Dahil sa pagtataguyod na iniukol ng mga paaralan at ng mass media, higit sa lahat, naging malaganap ang wikang pambansa na kung tawagin mang Tagalog o Filipino ay hindi na mahalaga pa sa mga mamamayang gumagamit. Obserbasyon nga ni Virgilio S. Almario, "Kailangan lamang tingnan ang paglusog ng komiks, pelikula, at awitin sa Filipino para makilala na tinatanggap at naiintindihan ito sa buong bansa."

Ang Mundo Ayon kay Geron Munar, pagsusuri ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr. sa Poro Point: An Anthology of Lives (Poems, 1955-1960) ni Alejandrino G. Hufana:

Malimit ding ihambing ang kanyang panulaan sa isang katedral na yari sa magagaspang subalit mamamahaling bato.

Ano't ano man, ang kapangyarihan ni Hufana ay iyon na nga – ang kakayahan niyang maging magaspang pero mamahalin – dahil nagagawa niyang paghugpong-hugpungin ang dalawa o higit pang anyo, ang dalawa o higit pang nilalaman, at dalawa o higit pang wika.

Para kay Dr. Marcelino Foronda Jr.: "What Pacis is to Ilokano short fiction, Alejandrino Hufana is to Ilokano poetry. While Hufana's is a new voice in Ilokano poetry, his tremendous poetic gifts are readily apparent in his few published poems in Ilokano."

Ehersisyo sa Pagbasa ng Isang Katutubong Bugtong, pagsusuri ni Michael M. Coroza:

Sa anong paraan man tingnan, laging parang kinakapos ang mga awtor ng textbuk sa pagpapaliwanag kung bakit isang tula ang bugtong. Nakokontento na lamang sila sa paghahanay ng ilang bugtong kasama ang mga kaukulang sagot. May ilan ngang bumabanggit na bilang tradisyonal na tula, ang bugtong ay may sukat, tugma, at talinghaga. Ngunit walang iniuukol na paliwanag kung bakit ito matalinghaga.

DAGTA: Mga Kuwentong Makamundo, pagsusuri ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr.:

Kung gayon, bago o makabago bang Mga Agos Sa Disyerto ang Dagta?

At kung makabayan ang una, makamundo ang huli?

Ang una ay may 15 kuwento mula sa limang lalake, ang huli ay may 11 mula sa walo: limang lalake at tatlong babae.

Rebolusyon laban sa nakasanayan, o nakasawaan, na paraan ng pagsasalaysay ng sinaunang kuwentistang Tagalog ang una.

Rebelyon din kaya ang huli laban sa rebelde ng mga rebelde?

Muling-Tula Bilang Hamon sa Pagsasalin ng Tula, pagsusuri ni Virgilio S. Almario:

May isang matandang pamahiin hinggil sa pagsasalin at lumaganap ito o pinalaganap ng sawikaing Italyano na: Traduttore, traditore. Noon ngang 1989, isinalin ko itong: Tagasalin, salarin. May tila pandaigdigang paniwala na hindi maaaring tapatan ng salin ang orihinal. Kaya ang bawat salin ay isang pagtataksil, ayon sa mga Italyano; na tinapatan ko ng paglalaro sa salin bilang laging "sala rin" (dahil hindi maaaring maging lubos na wasto) at sa tagasalin bilang "salarin" (kriminal, dahil may nagagawa laging paglabag sa isinasalin).

Koneksiyong Pampanitikan ni Rizal sa Aleman, panayam ni Virgilio S. Almario:

May dalawang layunin ang panayam kong ito. Una, pasinagan o muling pasinagan ang utang-na-loob ni Rizal sa panitikang Aleman na isang paraan din ng pagpapatunay sa katangian ni Rizal bilang isang palabasá at kung paano niya pinakikinabangan ang kaniyang mga binása. Ikalawa, ungkatin ang papel ng impluwensiyang pampanitikan sa isang manunulat at kung paanong nakapagpapayaman ito sa pagsulat.

Naglalaman din ng dalawang bagong bahagi ang ikalawang isyu:

  • Mula sa Inyo — Inaanyayahan namin ang lahat ng mambabasa na magpadala ng kanilang mga liham para sa mga editor.
  • Rio Almanac — Alamin kung sino sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas ang isinilang sa Agosto at Setyembre.

4 comments: