
Masaya rin akong nakapag-surbayb kahit invalido ang kanang kamay ko. (Mor on dat leyter.)
1,000 pesos dapat ang bayad para sa conference pero nakalibre ako dahil LIRA member. Hindi LIRA ang nag-organisa ng event; naghahanap lang sila ng pang-puno ng mga slots. (Salamat Rhoj!) At dahil si sir Rio Alma ang isa sa mga may pakana ng conference, isa ang LIRA sa mga nilapitan.
Libre rin ang pagkain (sponsored ng UP), kape, concert, at play sa dalawang araw ng conference. May bookfair din (wish ko lang na libre rin ang mga aklat). Sa madaling salita, hindi ako nagsising pumunta kahit tadtad ng band-aid ang mga kamay ko.
Okey naman ang mga speaker; may dalawang porendyer at marami kaming napulot na bagong kaalaman.
Sina Ynna Abuan, Nerisa del Carmen Guevara, Debbie Nieto, Romeo Peña, at Beverly Siy ang nakasama ko nang matagal sa Abelardo Hall, UP Theater, isawan sa Kalai, Area 2, at Palma Hall. Pinagsama-sama ko na ang mga pangalang 'yan. Kaming tatlo lang nina Ynna at Debs ang kumpleto ang attendance -- di na nakadalo si Rhom sa 2nd day, si miss Bebang sa parehong pagtatanghal, at si ma'am Ricci sa jazz concert. (Nakasama din namin sina En Villasis, Claire Madarang, si Rhodge Fernandez na stressed na stressed sa pagiging organizer, at da seniors op da lit world.)
Pagkatapos ng unang araw, nagkaroon ng pagtatanghal ang UP Jazz Orchestra. Unang beses kong makaranas ng live jazz performance. Asteeeg. Humingi pa ng ilang encore ang audience hehe.
Pagkatapos naman ng ikalawang araw, gala night ng dulang "Atang", based on the life of National Artist Honorata de la Rama. Putris ang galing lang talaga. Sabi nga ni ma'am Ricci, matagal na mula nang lubos siyang maapektuhan ng isang dula. Di ko rin inasahang mapapaiyak ako ng "Atang."
Ilang beses nag-standing ovation ang mga tao; humihiyaw ang iba (sina Frank Rivera ata) ng "Ang galing!" Di ko mapigilang pumalakpak kahit umaaray na ang mga sugat sa kamay.
On a side note, nahirapan kaming manahimik sa ilang bahagi ng dula dahil sa mga joke ni sir Vim Nadera. Si sir Mike Coroza din ay may mga naging hirit (tungkol sa 'Balagtasan' sa play na medyo naging OA at katawa-tawa). E nagkataong sandwiched pa kami sa dalawa (ser Mike - Ricci - Ynna - ako - Debs - ser Vim).
Pagkatapos ng dula, libreng hapunan. Gusto nang sumuko ng tiyan ko, lalo't nabusog na ako sa food trip namin noong hapon, kung saan nilamutak ko ang 3 stick ng BBQ (mula sa isawan sa Kalai), 1 stick ng chicken balls (mula sa may SC), at corn shake (mula sa Lutong Bahay, na mga 3 taon ko nang di nakakainan).
Halos 10 PM na yata nang bumaba kami at tumabay sa AS steps. Isang oras din ata kaming nagkuwentuhan doon. Mga pagmumuni-muni sa buhay, sa pagsusulat, sa hinaharap namin sa sining, atbp. 'Yung tipong mga usapang nakakakaba pero nakakasabik, nakakadulot ng hiwaga pero nakakapagpaliwanag.
Basta, parang isang mahabang learning experience ang naranasan namin: sinimulan ng conference, pinagpatuloy ng dula, at nagtapos sa kuwentuhan sa AS.
Consensus naming apat (Ynna, Ricci, Debbie, ako): What a day.
* * *
Laking ginhawa ko lang nang nakauwi ako ng bahay. Dahil na rin sa pagod, pero mas lalo sa mga sugat ko.
Noong nakaraang Linggo kasi, binakbak ang mga kamay ko. Electrocautery. De-warting. Oo, tinanggalan ako ng mga kulugo.
Sabi ni doc, laganap naman daw ang warts. Di lang nahahalata sa balat ng mga malulusog na tao. Nagkataon lang na napakahina ng immune system ko kaya di masyadong makalaban sa virus.
Napabayaan ko nang ilang buwan ang mga warts, pero nabwisit na rin ako't pinasunog. Ayun, tepok na sila.
Problema, tepok din ang pagsusulat at trabaho ko. Malalalim kasi at madami ang sinunog sa parehong kamay. Malala sa kanan; pointing finger at thumb pa ang nadali.
Sa dami ng band-aid (at gauze wrap noong mga unang araw), para na akong naputukan ng rebentador. Paano ka pa ba naman makakahawak ng bolpen?! Di ko na yata matatapos ang una kong libro bago dumating ang Bagong Taon.
Eto nga ngayon at hirap akong mag-tayp. Natuklasan ko tuloy na may kaliwang kamay pa pala akong puwedeng gamitin.
Eto rin ang dahilan kung bakit tahimik ako nang isang buong linggo dito sa Multiply. Ang dami tuloy nabinbin na mga balita at retrato.
Mga dalawang linggo pa akong ganito. Baldadong Kimpo.
Kakain na nga ako ng gulay.