Tuesday, June 30, 2009

Ikaanim na Isyu ng Bulawan Online / Bulawan Online 6th Issue

Magandang araw!

Lumabas na po ang ikaanim na isyu ng Bulawan Online, tampok ang mga tula, sanaysay, pagsusuri, at panayam nina Nanoy Rafael, Porferio Requinto, Charles Bonoan Tuvilla, Roberto T. Añonuevo, Romulo P. Baquiran Jr., at Virgilio S. Almario.

Magpunta lamang po sa www.bulawanonline.com.

Patuloy naming hinihikayat ang mga batikan at nagsisimulang makata at manunulat na magpasa ng kanilang mga akda sa lathalaan.  

Mula sa mga editor:

ISYU BLG. 6. Ipinagmamalaking ilathala ng Bulawan Online sa isyung ito ang katangi-tanging mga akdang pampanitikan sa mga buwan ng Hunyo-Hulyo 2009.

Tampok din sa isyung ito ang retrato ni Randel Urbano, ang Saan?.

Mga sipi mula sa mga akda:

Tahimik na Pagkasindak sa Pagkatok ng Bagong Taon sa “Pagpapatuloy” ni Nanoy, pagbása ni Romulo P. Baquiran Jr. sa tula ni Nanoy Rafael:

“Nabubuo ang paglalarawan sa daigdig ng persona sa pamamagitan ng pagtatambal ng magkakasalungat o magkakahawig na tagpo at elemento. May epekto ito ng pagpapatindi ng partikular na katangian, impresyon, at signipikasyong tila ipinapahiwatig lamang ng mga salita at imahen. Sa pagtatagpo ng salungatan at pagtutulad, nagkakaroon ng katiyakan ang nakapailalim o kubling ibig sabihin sa tula.”

Lunan at ang Paglalarawan ng Tagpo, pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa mga tula nina Porferio Requinto at Charles Bonoan Tuvilla:

“Maselang gawain ang paglalarawan ng mga tagpo, lalo kung ang mga tagpo ay nagpapahiwatig ng kung anong damdamin o kaisipan mula sa isang tiyak na persona. Ang tagpo ay maituturing na ekstensiyon ng persona, bagaman ang tagpo kung minsan ay maaaring taliwas sa ipinahihiwatig ng isip, loob, at kilos ng persona. Ang tagpong tinutukoy dito ay hindi lamang ang lunan sa tula, bagkus sumasaklaw din sa kalooban o isipan ng persona hinggil sa espasyo at panahon na kaniyang ginagalawan.”

Therapy, sanaysay ni Romulo P. Baquiran Jr.:

“Hindi pa rin basta maidiin ang paa at baka mabaklas ang bakal at buto sa loob. Puwedeng pagsimulan ng kanser ang kahit gabuhok na lamat sa buto. Paano ang malaking lamat, malaking kanser ang epekto? Huwag naman. Hindi lamang lamat ang nangyari sa buto ko, nadurog. Baka sumambulat ang kanser sa sakong ko niyan. Ano ba ang gamot sa hypochondria?”

Pamulinawen: Isang Pagbasa sa Epiko ni Jose A. Bragado, pagsusuri ni Roberto T. Añonuevo:

“Nakapanghihinayang na ang paksang umuurirat sa digmaan ay waring hanggang komiks pa rin ang pagdulog. Ang kabayanihan ay laging nakasentro sa iilang tao, at ang kaligtasan ay laging kaugnay ng paghihiganti imbes na malawak na bisyon para sa Filipino. Baryotiko ang pagtanaw sa pagbubuo ng armadong kilusang ni walang malinaw na ideolohiya o lunggati.”

Kultura ng Kagitingan, panayam ni Virgilio S. Almario:

“Munting pang-araw-araw na kagitingan lamang ang kailangan natin mula sa bawat mamamayang Filipino. Ngunit ginagawa ng táong may kultura ng kagitingan ang kaniyang munting pang-araw-araw na tungkulin dahil alam niyang bahagi iyon ng isang pambansang tungkulin.”

Mga Unang Bayani ng Wikang Pambansa, panayam ni Virgilio S. Almario:

“Isang mahalagang gawain para sa Wikang Pambansa ang pagbuo mismo ng kasaysayan nito. Hanggang ngayon, wala tayong mapagkakatiwalaang kasaysayan hinggil sa naging saligan ng simula at mga mohon ng pag-unlad ng Filipino. Kaya walang sanggunian ang mga guro’t estudyante kahit halimbawa sa pagkakaiba ng Pilipino at Filipino. Wala ring maibigay na wastong paliwanag hinggil sa pagpili ng Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. At lalo, walang magamit upang ipagtanggol ang Filipino sa mga kaaway ng Wikang Pambansa.”

Nilalaman din ng bagong isyu ang mga bahaging:

  • Rio Almanac — Alamin kung sino sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas ang isinilang sa Hunyo at Hulyo.
  • Buklatan — Mga bagong aklat na pampanitikan o sa panitikan.

4 comments: