Tuesday, July 28, 2009

Panelist sa De La Salle Dasmariñas Poetry Workshop

Kahapon, dumayo kami nina Ynna Abuan at Debbie Nieto sa DLSU Dasma. Inimbitahan kasi kaming umupo bilang panelista/kritiko sa "Personal/Politikal: Palihan sa Pagsulat ng Tula" ng DLSU-D. Bahagi ang workshop ng Buwan ng Wika sa nasabing pamantasan.

Nanggaling ang paanyaya sa aking kaibigan (at LIRA 2007 co-Fellow) na si Kel Juan. Si Kel ay guro sa Kagawaran ng Filipino at Panitikan at tumatayong Direktor ng DLSU-D Buwan ng Wika 2009. Kasama niyang nagpatnubay sa palihan ang kanyang bagong co-faculty at malapit naming kaibigan (at LIRA co-Fellow din) na si Pau Hernando. Para na rin tuloy nag-reunion ang mga tagapagtatag ng KATAS (sayang at wala si JC Sola).

Ang mga Panelista: Deborah D. Nieto (LIRA, Dapitdilim, UST), Mariane A.R.T. Abuan (LIRA, Dapitdilim, UST), Emmanuel V. Dumlao (UPLB), Phillip Kimpo Jr. (LIRA, Dapitdilim, UPD)

Ikinarangal naming makasama sa panel ang premyadong makata na si Emmanuel V. Dumlao. Unang pagkakataon ko siyang makilala at marami akong napulot na bagong kaalaman mula sa beteranong guro-manunulat.

Si Kel (nakatayo) at ang mga tagapakinig, mga mag-aaral ng DLSU-D.

Mula 1 hanggang 5 ng hapon ang workshop. Pito ang Fellow (siyam dapat pero di nakadalo ang dalawa). Nagsisimulang makata ang pito (mga freshman at sophomore pa lang sila) ngunit nakitaan na namin ng kakayahan at potensiyal sa pagtula ang marami sa kanila. Sana'y ipagpatuloy pa nila ang pagtula, lalo sa wikang Filipino.

Ang pitong Fellow (nakatayo), mga Panelista (nakaupo), at mga tagapatnubay (Pau at Kel sa kanan).

Maraming salamat sa DLSU-D, lalo kina Kel at Pau para sa pagkakataon. Salamat din kina Ynna at Debbie na nagpaunlak sa paanyaya. Sa uulitin.


P.S. Pagkatapos ng palihan, agad-agad kaming bumiyahe pa-Maynila para makaabot sa paglulunsad ng "Tigre sa Zoo" poetry CD ni sir Rio Alma. On-time naman kami, pero grabe ang commute. Nataon ding maulan kaya halos nanigas kaming tatlo sa bus.

4 comments: