
Part 2 ng excursion ng aming munting samahan, ang Dapitdilim Fellowship of Writers, sa mga bundok at dalampasigan ng Hilaga (Benguet at Pangasinan).
Setyembre 20, 2008: Pagkatapos ng
brunch namin sa Cafe by the Ruins, naglakad kami ng kaunti papunta sa Burnham Park. Kahit paglalakad sa Baguio ay isang kakaibang karanasan kung sanay ka sa Maynila -- maaliwalas, malinis, at hindi mo iisipin na baka may mag-snatch ng cellphone mo, mangholdap sa 'yo, o may makakasagasa sa 'yo.
Habang naghahanap ng mauupuan sa liwasan, nagutom ulit ang ilan sa amin pagkakita ng malalaking mais. (At nakakabusog na ang brunch namin sa Cafe by the Ruins sa lagay na 'yun ha.) Takte nakakahiya ang mga mais na inilalako dito sa Maynila.
Nakahanap rin kami ng magandang lugar para umupo, at doon ay pinag-usapan namin -- ano pa ba? -- ang aming samahan. Kaya sa hapon ng Setyembre 20, 2008, pormal naming itinatag ang Dapitdilim Fellowship of Writers. (
In absentia si Jack na sumasahod ngayon sa Saudi Arabia.)
Wala kaming ilusyon na maging tanyag na organisasyon -- at hindi nga kami 'organisasyon.' Kami ay isang munting pagkakaibigan ng mga manunulat na nagkakilala sa Dapitan (
9th UST National Writers' Workshop) at pinaglapit ng aming karanasan sa Diliman (LIRA Poetry Workshop).
Pagkatapos ng aming 'founding,' nagkaroon kami ng piktyuran. 'Yung tipong magagamit sa Friendster at literary bionotes hehe.
Nang mapagod, mas lalo pa naming pinagod ang mga sarili sa biking. Ang saya, doon lang ulit ako nakapag-bike nang matagal-tagal. Marunong pa pala ako hehe.
Pagkatapos ay namili kami sa mga tiangge sa tabi ng Burnham Park. Dahil di naman lahat ng pasalubong ay makikita sa tiangge, sumakay kami ng taxi papuntang Public Market.
Di na kami nakapag-piktyur masyado doon dahil masyadong maraming tao, mas marami pa sa Quiapo at Divisoria. Parang wala na ngang katapusan ang dagsa ng mga tao e. Basta ang mga napamili namin: strawberry jam, strawberry wine, t-shirts, murang bulaklak (kay Debbie), at bonsai na wala pang 50 pesos (sa akin).
Akala ko malulungkot ako sa biyahe paalis ng Baguio, dahil na rin wala pang kalahating araw ang itinagal ng aming 'bundok outing.' Nagkamali ako. Kasingsaya ako ng isang batang nasa field trip habang nakatunghay sa mga tanawin sa Marcos Highway -- para lang kaming nasa langit, nasa gitna ng mga ulap, nakikita ang malayong dalampasigan ng La Union sa ibaba.
Sa biyahe, may namuo na kaagad na linya para sa isang future travel essay ko: "After that descent from the country's rooftop, I cannot in good conscience enjoy the ridiculously mundane trips to the mall."
May isang tanawin nga lang kaming nadaanan na nakagigimbal. Banggaan. Ford Fiera-type ata 'yung isang sasakyan, 'yung ikawala nawawala (bus? baka tumakas?). May mga pulis sa eksena. May naka-stretcher sa likod ng kotse, kaya malamang buhay pa. Pero basag ang windshield sa passenger's side...at may nakaupong katawan, nakasandig ang ulo sa cardoor. Babae ata. Di na gumagalaw, at di rin ginagalaw ng mga pulis. Malamang, patay.
Kinabukasan nang umaga ay pumunta naman kami sa Simbahan ng Our Lady of Manaoag, at pagkagat ng gabi ay nagkaroon ng lit workshop sa San Fabian Beach...at nasa
sumunod na album ang mga 'yun.
(Maraming kuha sa album na 'to ay galing sa camera ni Melvin.)
Ang listahan ng mga albums ng aming 'bakasyon':
Background ng aming buong paglalakbay:
Isinabay namin ang "lit trip" na 'to sa
Sining ng Tugma at Sukat (Art of Rhyme and Meter) program ng LIRA at National Commission for Culture and the Arts sa Dagupan, kung saan malapit nakatira ang dalawa sa amin (Ynna & Rey).
Kami ni Rey ang coordinators para sa STS Dagupan, at kasama namin sina AC, Debbie, Romeo, at Ynna sa pag-workshop sa mga delegates. Hindi nakaabot si Melvin sa araw ng STS dahil may kailangang gawin sa Maynila.
Bago ang araw ng STS (Lunes) at pagiging LIRA, sangkatutak muna ang ginawa naming bonding bilang magkakaibigang manunulat sa Dapitdilim (mga pinagbuklod ng Dapitan/UST at Diliman/UP).